top of page
  • Writer's picturenephi tangalin

Kailan ako magiging ganap na Makata?

Sa aklat ni Isabel Enriquez Kenny ng Storytelling on Film and Video: The Writer and the Craft ako unang nakapagbasa ng excerpt ng Letters to a Young Poet ni Rainer Maria Rilke. Naalala kong minarkahan ko ang linyang Perhaps you will discover that you are called to be an artist. Then take that destiny upon yourself, and bear it, its burden and its greatness, without ever asking what reward might come from outside. Unang beses kong nabasa, hindi ako sigurado sa aking naramdaman. Sumusulat naman ako noon. Koleksiyon ng mga tula, maikling kwento, dagli at pati na drama. Pero, para ba talaga ako sa pagsusulat? Ang tula ba higit pa sa linya, tunog at tugma, o doon lang ba iyon? Saan ba talaga ako nilagay ng diyos?


Iyon ang gabing unang beses kong tinanong ang aking sarili: unang beses akong natakot sa aking sarili. Bakit bigla akong lumalim? Hudyat na ba iyon na magiging makata ako? Hindi ko alam pero tila isang nakakapagod na gabi ang pag-iisip at pagtatanong kaya pagkatapos nung araw na iyon ay hinanap ko ang kasagutan sa pamamagitan ng liham ni Rainer Maria Rilke. Magaan sa damdamin. Kinakausap niya yata ako na sa kahit simpleng salita, ramdam kong para sa akin ang mga liham, tinanong, ginagabayan at pinapaalalahanan.


1. Must I write?


Magandang tanong para sa isang indibidwal na hindi sigurado kung magsusulat ba siya o dapat ba siyang magsulat. Must I write? Aking tanong habang pinagmamasdan ang kapiraso ng papel na nasa unahan ko. Nasa utak na ang mga salita. Piling-pili. Handa na ang aking kamay. Tinanong muli ang sarili ng tanong. Doon ko unang napagtanto, taong 2016, walang espesipikong buwan at araw, na dapat akong magsulat. Kailangan mailabas ang mga salita, kailangan silang paikutin sa aking mga kamay, dumaan sa maraming pagbura dahil aayusin ko sila ayun sa aking pangangailangan: ayun sa kanilang dapat na kalalagyan. Narito ang aking tulang isinulat sa mismong araw na iyon:


sa pagbuo ng salita gamit ang mga letra hayaan mo ang makata lumikha, lumuha para sa alaala na hindi na maibabalik


2. To be an artist means: not to calculate and count


Hindi ako sigurado kung ano ang aking sentimyento sa mga katagang iyan pero isa lang ang sigurado ako: hindi ako sumasang-ayon dito. Para sa isang choleric na katulad ko, mahalaga ang magplano, magkalkula ng oras at magbilang ng gawaing dapat tapusin. Mahalaga na binabantayan ang oras at gawain nang matapos ito ayun sa oras. Lagi mo dapat habulin ang oras. Dahil ika nga nila, hindi na iyon maibabalik. Isa siguro iyon sa nagpasakit ng ulo ko. Mahilig akong magmadali. Isang katangiang dala-dala ko na yata kahit noong bata pa ako, panahong hindi ko pa kinakausap ang mga salita. Sa pagtapak ng kolehiyo, sa unang araw ng klase, gusto ko agad gumaling. Gusto ko agad maging makata. Gusto ko agad magkaroon ng kulay at mensahe ang mga salita. Ngunit napagtanto ko na sa kagustuhang iyon, hindi ko binibigyan ng espasyo ang aking sarili upang lumago at humusay bilang makata. Kailangan pala nitong maging isang buto. Kailangan ng araw, tubig, hangin at panahon. Ang mga ito ang tutulong sa kaniyang maging matibay at malago. Sa proseso niya makikita na may kagandahan sa paghintay at pasensiya sa sarili.


3. The new presence inside us, has entered our heart, has gone into its innermost chamber and is no longer even there, — is already in our bloodstream


Natutunan ko na sa kalungkutan, merong kasiyahan. Sa pagpili ng mga salita, iaayun ito depende aa lalim o babaw ng kalungkutang bumabalot sa akin. Tila ito na ang pinakamalakas na emosyon para sa akin. Masaya pa lang makaramdam ng iba pang emosyon bukod sa kasiyahan. Mas nagkakaroon ng lalim ang isang makata kapag hinayaan niyang dumaloy sa kaniyang katawan ang nag-uumapaw na emosyon at kayaan itong makalikha ng panibagong sining. Bukod pa rito, natutunan ko sa aking pagkakamali, pagdurusa at pagkadismaya na maaari silang maging maganda:magandang salita, may tugma at rikit. Kailangan ko pa lang matutunan na gawing oportunidad ang kalungkutang ito sa paglikha ng panibagong obra.


4. What matters is to live everything. Live the questions for now


Dito na siguro magwawakas ang aking repleksiyong papel. Ngunit hindi ko nais na maging mistulang requirement lamang itong papel na ito para makapasa sa asignaturang MP 10. Nais kong maging marka ito ng aking pagkatuto at patuloy na pagkatuto hindi lamang sa aklat na binasa, kung hindi pati na sa buhay: sa mga karanasan, pag-ibig, kasaysayan at pati na marahil sa mga tanong. Katulad nung natutunan ko ang paghihintay at pasensiya sa sarili, ganun din sa mga tanong. Hindi ko dapat naisin na masagot lahat sa isang iglap, kasi kung ganun, paano ko masasabing nabuhay ako? Sa paraang ito, na mabuhay sa pamamagitan ng mga tanong, masasabi ko na magsusulat ako depende sa pangangailangan at depende sa mga katanungan. Ang mga tanong na Kung sino at ano ako, kung bakit at paano ako magsusulat, sa palagay ko ay panghabang-buhay na paghahanap ng kasagutan iyon. Magiliw kong isasabuhay ang mga katanungan kasabay nang aking paglalakbay sa paghahanap ng mga kasagutan sa mga ito. Ito na marahil ang misyon ng isang makata.


*ipinasa ang repleksyong papel na ito sa asignaturang Malikhaing Pagsulat 10

23 views0 comments
bottom of page