top of page

[Personal na Sanaysay blg. 1] Higit pa sa apat na sulok ng Pantyon

Writer's picture: nephi tangalinnephi tangalin

Hindi ko gusto ang hitsura ng pantyon, kung kaya’t kahit pa sa tapat lamang ito ng bukana ng aming bloke, hindi ko pa ito lubusang nalalakbay. Hindi ko pa kailanman nalakbay ang apat na sulok nito. Hindi ko pa natatapakan ang lahat ng damuhan, talahiban at putikan sa loob nito. Maski ang kalahating bilang ng pangalan ng mga yumaong nakaukit sa lapida’y hindi pa dumaan sa aking mga mata. Ngunit isang araw ay nabigyan ako ng pagkakataon at dahilan upang lakbayin ang pantyon higit pa sa apat na sulok nito.


Hindi ako gaanong malapit sa iilang malayong kamag-anak kaya’t maaaring maunawaan ang mistulang pagkaramdam ng kurot lamang na kalungkutan para sa sa balitang pagpanaw ng isang kamag-anak na kilala ko lamang sa tanyag na Tito Erik. Ngunit naaalala ko ang magagaspang niyang kamay nang ako’y kamustahin niya at ang kumukulubot niyang pisnguMaaaring nagkita na kami sa ibang okasyon noong maliit pa ako ngunit masyado na itong niluma ng nakaraan kaya’t minsa’y hindi makasabay sa paggugunita ng mga kamag-anak tungkol sa kaniya. Tatlong araw matapos ang burol ay kailangan na harapin ang huling yugto ng yumao: ang masugid na pagsama sa paglalakad nito papunta sa libingan. Masugid naming nilakbay mula sa tahanan ni Tito Erik hanggang sa Sto. Rosario Memorial Park--ang kaniyang huling patutunguhan. Sa bawat paglalakad ay tila pagbabalik-tanaw. Sari-saring emosyon: may humihikbi, may seryosong pinagmamasdan ang sasakyan na umaakay sa aking tiyuhin, may sumasabay sa tugtog, may nangungunot ang noo at ang ila’y nagkukwentuhan. Marahil kaniya-kaniyang diskarte ang mga tao sa paggunita sa nakaraan ni Tito Erik, tila ba nilaan talaga ang tradisyong paghahatid sa huling hantungan para sa pagbabalik-tanaw. Espasyo rin ito para sa pagsisisi, paghingi ng kapatawara at pagpapasalamat sa yumao. Sa aking sitwasyon, ang kasalatan ng interaksyon namin ni Tito Erik ang naging balakid upang makisabay sa kanilang pag


Pumasok kami sa bukana ng pantyon. Katulad ng aking huling punta, ganun pa rin ang hitsura ng sementeryo. Nagkalat ang mga patay na dahon sa sahig, may mga lupang binungkal, may mga puno na nakatayo pa rin sa dating pwesto. Makulimlim ang kalangitan na tila nagbabadya ng pagbagsak ng ulan. Ito na marahil ang karaniwang senaryo sa pantyo. Bago tuluyang mailibing si Kuya Erik, naririnig na sa kinaroroonan namin ang mga hikbi ng mga naiwan. Partikular na ang asawa na ngayo’y biyuda na, mga anak at kapatid. Naroroon din ang mga dating ka-trabaho na tahimik at tila isang malungkot na pelikula ang bawat paghagod ng kanilang tingin habang mabagal na sinasara ang kabao, ni hibla ng buhok ni Tito Erik ay hindi na maaninag. Sumunod ay ang paghagis ng puting rosas sa tuktok ng hugis-parihabang kabao bago ito tuluyang mailusot sa kuwadradong libingan. Tila nakikiramay ang hangin sa pagdadalamhati ng pamilya nang sumayaw ito at hipuin ang aming mga buhok. Hindi ako naniniwala sa pamahiing si Tito Erik iyon na namamaalam.


Kalahating oras ang lumipas bago humupa ang lahat. Natuyo na ng hangin ang mga luhang nanatili sa mga pisngi, pati ang mga boses ay ninakaw din ng hangin- May iilang nanatili, ngunit mas pinili kong maglibot. Pumasok ako sa panibagong bulwagan ng pantyo. May kaliitan kumpara sa lugar kung saan inilibig ang aking tiyuhin. Bungi ang sahig kung kaya’t may tubig-putik sa aking dinadaanan. Nangangamoy din ang alulod na nasa gilid ng pasilyo. Hinahagod ng aking mata ang mga lapida, marami akong pangalan na nabasa. Binilang ko rin sa aking isipan ang mga edad ng mga yumao. Sa pinakahuling bahagi ng pasilyo ko natagpuan ang pinakabata sa aking nabilang. Tatlong taon. May litrato ito sa tabi ng naka-ukit nitong pangalan. Doon nagsimula ang aking pagninilay-nilay. Ano kayang trahedya ang nasa likod ng pagkamatay ng bata? Ano kaya ang naramdaman ng kaniyang mga magulat at kapatid kung mayroon man?


Hindi ko na mabilang sa aking mga daliri kung ilang beses ako nagbuntong hininga. Nang nilibot ng aking paningin ang kabuohan, makulimlim, sira-sira ang kisame, hindi sementado ang daanan, mainit at malumbay. Mabigat sa pakiramdam, hindi dahil sa tatatlong kandila lamang ang aking naanigan, hindi rin dahil sa may edad na ang pantyo, at mas lalong hindi dahil sa hitsura nito. Kung hindi dahil sa katotohanang nakakatakot ang manatili sa sementeryo sa mahabang panahon.


Sabi nila, isa raw itong misteryo sa marami. Aakitin ka raw nito at ilulunod sa dagat ng pangamba’t pagkabagabag. May pangamba sa kung saan susunod na tatapak ang iyong mga paa pagkatapos lisanin ang mundong ibabaw. Tunay ngang nakakatakot ang pangambang iyon na madalas lamang napapagtanto sa matagal na pananatili sa pantyo. Ngunit sa tingin ko’y mas naghahatid ng matinding pangamba hanggang kalaliman ng aking puso’t kaluluwa ang patuloy na paghampas ng malaking alon ng reyalidad sa akin sa araw-araw kaisa sa pangangamba kung ano ang hatid sa akin ng kabilang buhay.


49 views0 comments

Comentarios


  • Facebook Basic Black
  • Black Instagram Icon

Thanks for submitting!

bottom of page