top of page
  • Writer's picturenephi tangalin

Estranghero


Kapag bumibisita ako sa dating tinitirhan, mukha niya ang unang bumubungad sa akin. Katulad ng nakagawian ay nakasuot siya ng party hat. May sigarilyo sa pagitan ng kaniyang labi, nakikita ko na kahit ibuka niya ang bibig ay 'di ito tuluyang nalalaglag. Sinasalo ng hangin at ibinabalik sa mga labi niya. Nakangiti sa gitna ng kumukupas na niyang mukha.


Noong nakaraang pagkikita namin ay may katingkaran pa ang kulay ng kaniyang mukha at 'di pa naagnas ang kaniyang leeg, ngunit ngayo'y tila lubha siyang pintanda ng panahon.


Lumitaw bigla ang kusinera, tinatanong ang pakikipagsapalaran ko tungo rito. Sinalaysay ko ang paglangoy sa lawa, pagtalon sa bangin, at hanggang sa paglipad. Tumawa siya habang hinahanda ang mga pagkain sa mesa; mistulang piging.


Umugong sa bawat sulok ng palapag ang halakhak niya, "Mabuti'y alam mo pa kung paano bumalik." Hindi pa rin niya tinatanggal alinman sa sigarilyo at party hat. Nang makalagpas kami sa bulwaga'y panandaliang dumilim. Nang dumilat ang mga ilaw ay mayroon na akong party hat at suot ko ang tipikal na pantulog.


Ngumiti ang kusinera matapos manipulahin ang paligid at kumindat sa kaniya. "Husay ko, 'no? Ilang beses ako nag-ensayo gaya ng iyong hiling," na agad naman niyang sinagot ng malawak na ngiti. "Magsisimula na ang kasiyahan sa pagdating ng ating paboritong panauhin." May mga notang sumasayaw sa paligid habang lumilikha ng lumang musika. Ang mga kurtina'y napalitan ng kulay lila mula sa orihinal nitong kulay na ginto. Nawala ang mga frieze pattern at naging tuwid ang bawat disenyo ng buong palapag. Bumata ang tumatanda nang dingding. Pati ang mga kagamita'y nagmistulang bago't ni walang galos na mababakas alinman sa parte ng mga ito.


Umupo na ang kusinera habang nilalaro ang mga plato sa hangin. Agad bumagsak ang plato sa aking pwesto. Sa gulat ko'y nasagi ang baso at dumugo ang buong mesa. Agad namang nilinis ng kusinera gamit ang mahika nito matapos ang ilang pagtatangka.


Kinumusta niya ako. Nagagalak siya't alam ko pa ang daan. Lingid sa kaniyang kaalama'y tatlong araw ang tinagal ng aking pagbaybay sa buong pulo dahil tila sinama na ng hangin papalayo sa aking alaala ang mapa pabalik. Masyado nang matagal. Pati pala ang dating tiraha'y kayang malimutan. Ngumiti lamang ako habang tinatanggap ang mga pagkaing inilalagay ng mahika sa aking plato. Nagpatuloy siya sa pamamagitan ng isa pang tanong, "Naaalala mo ba? Mahilig ka sa tadyang ng halimaw na iyan" habang tinuturo ang kalalagay lang na pagkain sa aking plato. Maliit na ngiti at tango ay nagpatuloy siya, " Hindi mo na maalala siguro. Oh, naririnig mo ang musika? Sinasayaw natin 'yan noon sa tapat ng dagat."


Hindi ko alam ngunit 'di ako kumportable sa pagkukwento niya. 'di ko na mahagilap sa aking alaala ang iba niyang sinasalaysay. Tinitimbang sa isip kung kaya pa bang sabayan ang kwentuhan. Sumali ang kusinera, tanda pa raw niya ang mga paborito kong pagkain na madalas kong hinihiling sa kaniya. Hindi ko na gusto ang lasa ng mga sinasabi niyang pagkain. Wala na yatang bakas ng mga iyon kahit pa sa pinakadulong bahagi ng aking dila.


Puro sila nakaraan. Puro dating ako. Ni hindi ko na kilala ang taong iyon.


Habang tumatagos sa bawat dingding ng palapag ang musika't halakhakan mula sa dalawa ay nakikita ko kung paano naglalaro ang mga alaala ng dating ako sa kanilang mga mata't utak.


Habang tumatagos sa aking mga sariling mata ang dating ako, hindi ko na ito makilala. Estranghero ang tingin ko rito gaya ng tingin ng dalawa sa kasalukuyang ako.



75 views0 comments

Recent Posts

See All
bottom of page