top of page
  • Writer's picturenephi tangalin

Tatlong Putok Noong Gabi Ng 194x

Updated: Feb 22, 2021

“But a kingdom that has once been destroyed can never come again into being; nor can the dead ever be brought back to life.” - The Art of War, Sun Tzu

warning// rape, language, violence, war



Madalas akong nagigising sa tunong ng mga himutok ni Ligaya. Ngunit, ngayon ay hindi pangkaraniwan: malakas at tila hindi na napipigil. Nilakad ko ang distansiya kung saan ko naririnig ang kaniyang boses kahit pa na may kahabaan ang pasilyo. Maraming durungawan sa gilid nito, ngunit natatapalan ito ng mga makakapal sa tela. May mga sofa sa paligid ngunit bakas na ang katandaan sa mga galos at butas nito. Sa bawat sulok ng kisame, matatanaw ang mga supot ng gagamba--tanda na madalang lamang makatikim ng linis. Hinila ng tinig ni Ligaya ang aking atensiyon. “Isang kaban ng bigas ang dumating kagabi! Bakit ka nagdadahilan na walang laman ang imbakan? Ilabas mo ang bigas! Hindi kami mga palamunin dito sapagkat mga puta kami na mula sa pagsilang ng araw hanggang sa pagtanda ng gabi ay pinaaandar ang katawan!” Umalingawngaw sa pasilyo ang kaniyang boses. May mga iilang napatingin sa kaniyang direksiyon habang dinuduro-duro ang isang babaeng may katandaan na. Sumiklab sa mga mata ng ginang ang galit. Tinampal-tampal niya sa braso si Ligaya, habang ang huli ay umiiwas.


“Walang karapatang sumagot-sagot ang puta pabalik sa taong nagpapalamon sa kaniya!” Naglaglagan sa sahig ang mga palamuti niya sa katawan, humahalo ang tunog ng pagbagsak ng mga ito sa hikbi at mga kamay na marahas na humahalik sa mga braso ni Ligaya. Tuluyang nagising ang aking diwa at hinila ang kaniyang mga braso mula sa pananakit ng ginang, hinarang ang aking katawan. Dito ko naramdaman ang bigat ng galit nito kay Ligaya.


“Mga puta! Ano ang tinitingin-tingin ninyo diyan? Malapit nang dumating ang isang negosyante mula sa kanluran upang bumisita rito. Ayusin ninyo ang mga susuotin. Narinig ko na mataas ang bayad!” Tila salamangkera na iwinasiwas ang mahika sa pasilyo. Dahil dito ay naging okupado ang mga babae sa kani-kanilang gawain. Hindi nakaligtas sa aking paningin ang kalagayan ng mga babae: pagod. Makikita sa mga mata nila ang galit o pagkamuhi at pananawa sa kanilang buhay. Nangangayayat ang katawan at mugto ang mata ng mga bagong putang minor de edad na dinukot ng mga intsik. Siguro’y sapilitan silang isinakay sa kalesa mula sa lansangan Quiapo. Siguro’y nagdarasal din siya noong mga panahong iyon o hindi kaya’y nagbebenta ng sampagita sa paligid noong tangayin sila ng mga tauhan ni Intsik, katulad ko.


Lumapit sa direksiyon ng ginang ang isang babae, hindi pamilyar. Mahaba ang buko nito. Nakapagtatakang nakaterno pa siya. Bago lamang ba siya rito? Kailan kaya siya dinala rito? “Ginang Feliza...noong dumating ako rito nakaraang gabi ay napapansin ko na ang maghapong pananatili ni Nimpa sa kama, ayaw din nitong kumain. Kanina pa’y narinig ko ang hiyaw at hikbi, tinutukoy niyang salarin ang bahagi ng kaniyang ari na tila ba may nararamdamang matinding hapdi mula rito. Nakikiusap ako na ipadala siya sa malapit na pagamutan o hindi kaya’y sa albularyo.” May himig ng pagsusumamo mula sa dalaga.


“Hindi, kathang-isip lamang niya iyon. Pupuntahan ko siya mamaya at pupwersahing magtrabaho.” Saad ng ginang na umalingawngaw sa pasilyo. Madalas kong marinig sa kaniya ang pagmamalaki na minsa’y nagustuhan siya ng among intsik, iniligtas mula sa mga amerikanong militar sa pampanga na ginawa siyang parausan. “Sa edad kong ito ay tinatangi pa rin ako ng mga amerikanong sundalo. Hindi na kataka-taka na nahulog din sa akin ang negosyanteng intsik.” Hahalakhak ito na tila nasa gitna ng palabas, damang-dama ang atensiyon na nakukuha mula sa amin.


Ganito ako salubungin ng umaga. Sa mga sigawan, pagkawala o kakulangan ng pagkain, at sa nakakikilabot na tinig ng ginang. Sana sa susunod ay sa amoy ng mainit na kape at sa halakhakan ng mga maliliit kong kapatid ako magising.


I. Unang Putok na narinig mula sa Taberna


“Binibini, salukan mo naman kami ng alak!” rinig kong sigaw ng mga kalalakihan sa tabi. Agad akong tumungo sa pagkahaba-habang lamesa sa gitna at kinuha ang pitsel ng alak ang gamit ang nanginginig kong kamay. Naramdaman ko ang sakit ng aking talampakan sa bawat ugong ng maliit na takong ng aking sapatos. Pilit kong hinihila pababa ang laylayan ng aking kasuotan, nagrorosaryo sa t’wing may napapadalawang sulyap na lalaki, ang iba ay may unipormeng militar, mayroon ding mga nakakurbata at marami ang may simpleng terno. Hindi ko maintindihan kung bakit sa iilang buwan ko na sa ganitong trabaho ay hindi pa rin ako nasasanay. Nang makalapit sa mga kostomer ay sinigurado ko ang aming distansiya. Kinuha ang kani-kanilang mga baso at agad itong sinalukan. Kasabay ng ingay na nililikha ng pagsalok ng alak, gayun din ang tumitinding kaingayan sa loob ng taberna. Sa kabila nang kalaliman ng gabi ay mas pinapaigting ng malakas na tugtugan at walang humpay ng hiyawan ng mga kalalakihan ang kabuohan ng establisyamento. Mas lalo ring nagiging mapusok ang bawat pagsasayaw ng mga usok ng sigarilyo sa hangin. Tumatapang ang amoy nito. Tila ba’y bumabalik ang aking dating alaala sa bawat paglutang ng mga usok sa paligid. Para ako nitong binabalik sa senaryo kung saan ay nalalanghap ko ang sigarilyo ni itay pagkatapos niyang mangahoy sa kagubatan. Kahit pa malakas ang amoy ng sigarilyo ni itay ay hindi nakaliligtas sa aking ilong ang sariwang hangin mula aming kinalalagyan, sa malayong parte ng Maynila.


Nakatutuwang alaala, minsa’y mapanakit nga lang.


Umikot ang aking mata. Ang iba’y wala na sa tamang katinuan. Bukas ang tabernang aking pinagseserbisyohan mula sa pagtanda ng gabi hanggang sa anumang oras kami abutin. Madalas ay hinahampas kami ni ginang Feliza kapag naaabutan niyang humihikab sa sobrang pagod. Hindi raw kami dapat makaramdam ng antok sapagkat buhay na buhay ang musika sa loob. Hindi pa ako nakarinig nang ganito kaingay na awitin. Nasanay ako sa pagtanghal ng koro sa simbahan.


“Aba’y makinis ka, binibini?” saad ng kasama ng lalaki na nakapwesto sa aking tapat. Ramdam ko ang malagkit nitong tingin, pati na ang pagnanasa sa kaniyang tinig. Alam ko na ang kaniyang susunod na galaw kaya’t humarap ako sa kaniyang direksiyon: may makahulugang ngiti. Inabot ko ang baso kasabay nito ang paghagod ng kaniyang magaspang na kamay sa akin. “Eto na ang iyong alak.” yumuko ako bago pa sila umapila at mabilis ang aking pagtalikod.Malakas ang kabog ng aking dibdib habang tinutungo ang kubeta. Hindi ko maintindihan pero naiihi ako sa kaba at takot.


Humakbang ako patungo sa ikalawang palapag. Bago ko pa iyon magawa ay may humila sa aking kanang braso at nagpatigil sa akin sa paglalakad. “Batid ko gawa mo, Maynila. Negosyante! bakit ikaw tanggi?” Singkit, nangingitim ang labi at may katangkarang lalaki ang nagpatigil sa akin sa paglalakad. Pamilyar na pamilyar na sa iilang buwan kong pananatili sa lugar, hindi pa rin ako nauubusan ng dahilan para hindi mangatog sa takot. “H-hindi naman ako inimbitahan sa silid.” aking naging tugon na sa tingin ko’y mas lalong nagpagalit sa kaniya. Humigpit ang kaniyang pagkakahawak sa akin: pamilyar na pamilyar ang higpit na tila ba’y dinadala ako sa nakaraan. Ang intensidad ng higpit ay parehas nung unang beses niya akong hinawakan: nung ako’y dinukot niya sa kalagitnaan ng aking pagtitinda sa labas ng simbahan. Sana’y hindi na lamang ako bumaba mula sa aming lugar. Sana’y sinamahan ko si inay sa paghahatid ng mga telang kaniyang tinahi sa Tondo.


Hinatak ni itsik ang aking kanang braso hanggang sa makarating kami sa pwesto kung saan ako huling beses na nagsalok ng alak. Bakas ang ngiti ng tatlong kalalakihan sa aking pagbabalik. Nanginginig ako sa takot at sinusubukang kumalma kahit pa alam kong sa huli ay papalya ako. “Kuhain mo, dalawang beses mas mataas presyo kaisa mga babae dito.” malinaw na suhestiyon ni Intsik kahit pa hindi mabuo-buo ang mga salita nito. Gumapang ang takot at galit sa akin. Akala mo’y hindi tao ang kaniyang binebenta. Akala mo’y wala akong pakiramdam.


“Hindi ako puta, bitawan mo ako.” lumikha nang nakabibinging katahimikan sa aming pwesto nang sabihin ko ang mga katagang iyon dala ng aking galit. Hindi ko kailanman nagustuhan ang panaginip ngunit sana’y isa lamang itong bangungot.


“Maralita ako ngunit hindi ako puta.” Nakayuko ako, pinipigilan ang luha. Ang umiyak ang huling gagawin ko ngayong gabi.


“Sige, kuha na siya, tulad presyo ng iba pang puta.” tila wala itong narinig mula sa akin at mas lalo akong inilapit sa mesa ng kalalakihan. Naramdaman ko ang pangangailangang takpan ang aking dibdib kahit pa hindi ako lantarang nakahubad. Madalas kong naririnig ang mga pangaral sa simbahan tungkol sa katawan, ito raw ay tahanan ng Diyon at lubhang napakasagrado. Manipis ang aming kasuotan sa loob ng taberna. Pampagiliw daw ito sa mga kalalakihan ika ni intsik. Kasuya-suyang tao! Sinubukan kong pumiglas kahit pa na alam kong wala akong kawala. Ang pagngisi ng kaninang lalaking humagod ng aking kamay ay tila pagngisi ni kamatayan sa akin. Dumukot ito sa pitaka, hindi ko tiyak ang laman. Inilagay niya sa mesa ang pera, sa pagkinang ng mga mata ni intsik batid ko na sobra ito sa kaniyang hiniling. Hinigpitan ko ang kapit sa tela ng mesa ngunit sinakmal ako at dinala palapit sa isang lalaking tila hayok na hayok nang makita ako: nakadidiri.


“Gamitin mo magdamag pa!” mga saliltang binitawan niya at mabilis na hinila ako ng lalaki na nag-abot ng pera kay intsik. Alam ko kung saan iyon. Nagpupumiglas ako, habang nagkukumahog siya, parehas determinado sa nais: siya na mahatak ako at ako na kumawala sa kaniya. Hindi ko nais mabahiran ng kahit na ano pang dumi ang aking pagkababae. Naririnig ko sa aking tainga ang pangaral ng Pari sa simbahan.


“...sapagkat ang inyong katawan ay tinitirahan ng Diyos

walang sinuman ang makatatapak sa kaniyang kaharian

nang may bahid ng dungis mula sa karumihan ng sanlibutan…”

Ngunit isang suntok sa sikmura ang nagpatigil sa akin. Mabilis niya akong pinasan sa kaniyang likuran. Mabilis pa sa pagbayo ng kabayo nang marating namin ang ikalawang palapag kung nasaan nananatili ang mga kostomer at mga babaeng napili nilang bayaran para sa isang gabi. Sa dulong bahagi ng pasilyo siya pumasok. Nang marinig ko ang pagsara ng pintuan, para na akong tinakbuhan ng pag-asa. Tila pati ito’y wala nang magagawa sa aking kapalaran. Naalala ko ang aking buhay noon. Ang mga halakhak sa kuwentuhan, ang mga iyak sa pagkakadapa, ang sariwang simoy ng hangin, ang pagpinta ng kalangitan, ang una kong pagsakay sa kalesa, ang pagsabay ko sa awitin ng simbahan at ang usok mula sa pagsiga ni inay habang nilulutuan kami ng agahan. Hinahanap kaya ako sa aming tahanan? Umiiyak kaya sila? Nasa mga pahayagan kaya ako? Naramdaman ko ang pait ng katotohanan sa huling naisip. Hindi kami marangya, marahil ay isinawalang bahala na lamang ang aking pagkawala? Siguro? Ngunit sana hindi. Sana.


Nararamdaman ko ang tunog na nililikha ng paghuhubad ng lalaki sa aking harapan. Nagmamadali. Nanginginig ang aking mga labi habang umiiling-iling. Nakiki-usap ang aking mga mata; nagmamaka-awa. Humigpit ang kapit ko sa laylayan ng kama, pilit binubuhat ang sarili upang umatras. Umikot ang aking tingin. Hindi ako kayang iligtas ng mga haligi ng kuwartong ito katulad ng pagligtas sa akin ng aking papa mula sa pagkalam ng sikmura, hindi rin ako maililigtas ng ilaw mula sa aranya katulad ng pagligtas sa akin ni mama sa kapahamakan. Mapait kong sinundan ang linya ng aranya sa kisame, maganda ang nililikhang liwanag nito kahit na hindi ganoon katingkad.


“Hayop, may mga nagpapasabog!” narinig ko ang isang malakas na sigaw. Sunod kong naramdaman ang pagbigat ng kama. Wala na siyang suot na kahit ano sa katawan. Ramdam ko ang gaspang ng kaniyang mga kamay sa bawat paghaplos sa aking braso. Kilalang-kilala ko iyong sumigaw. Si Ligaya. Bumukas ang tarangkahan at nagtama ang aming paningin ni Ligaya. Bakas ang takot sa kaniyang mga mata.


Siguro’y ganito ang aking tadhana. Pinanganak na isang maralita, kalauna’y magiging puta. Hindi ko kagustuhan, ngunit ito ang siguro’y magiging kapalaran. Bago tuluyang bumagsak ang talukap ng aking mga mata mula sa pagod at hapdi dulot ng pagtama ng kamao ng lalaki sa akin ay narinig ko ang ikalawang mas malakas na putok. Hindi ko tiyak kung ano ba iyon. Naririnig kong nagkukumahog ang mga tao, naramdaman ko ang pagyugyog ng kapaligiran at tunog na nililikha nito: nakabibingi.


“Gising! Gising, Maynila! Mamamatay tayo rito kapag hindi ka pa gumising.” may nararamdaman akong malakas na tumatapik sa aking pisngi. “Hindi ako makapaniwala sa lalaking iyon pagsasamantalahan ka pa, may pagsabog sa ating lugar. Saan ba iyon nagmumula?!” dumilat ako. Kitang-kita ko ang pag-aalala sa mukha ng isang kaibigan at katrabaho na kasama kong dinukot. Hinagod niya ang aking pisngi na tila ba isa akong babasagin... “Akala ko'y sumakabilang-buhay ka na.” bulong niya na aking narinig sa kabila nang ingay. Sa aking pagtayo mas naramdaman ko ang sakit sa aking tiyan. Akay-akay niya ako sa paglisan mula sa kuwarto. Dinapuan ko ng huling sulyap ang lalaki sa sahig, walang malay. Sa paanan nito’y may mahabang kahoy na paniguradong ginamit ni Ligaya upang pabagsakin ito. Mabilis naming tinawid ang pagitan mula sa kuwarto palabas ng taberna habang ang aking dalawang kamay ay sinusubukang ibsan ang kirot at umaaasa sa agarang paghilom.


“Doon tayo magtungo,” turo ko sa silangang bahagi ng kalye. Hindi kami pamilyar dahil ngayon lamang kami muling nakalabas ng establisyamento. “Sundan natin ang mga tao,” mabilis ang aming pagtakbo, tila hinahabol ang aming buhay at tumatakas sa kamatayan. Kahit ngayong gabi lang, dinggin naman sana ako ng maykapal. Isang putok ng baril ang nagpatigil sa amin ni Ligaya, hinarap ang isa’t isa na may pangamba sa aming mga labi. Sana’y bangungot lamang. Isa pa muling putok, mas dinig na mula sa aming posisyon.


II. Pangalawang putok para sa yumaong kasama


“Maynila, tumakbo ka. H’wag kang lilingon. Tumakbo ka.” bulong ni Ligaya na dahilan kung bakit tuluyang tumakas mula sa aking mga mata ang mga luha. Siguro’y dala nang matinding takot at matinding kaba sa sitwasyon kaya’t nanlalabo na ang aking mga mata.


“Hindi…” naging tugon ko.


“Tumakbo ka na!” sigaw niya na dumagdag sa bilis ng aking paglalakad. Ika-ika at ang dalawang kamay ay nasa tiyan, masugid kong tinakbo ang daan papunta sa isang liblib na lugar. Sinuway ang utos ni Ligaya, hinarap ko ang kaniyang direksiyon: lumingon ako. Kasabay nito ang pagputok ng baril at ang pagluhod niya. Dilat ang mga mata’y tila isang kuwago sa kailaliman ng gabi. Labi’y lumuha ng dugo. Tuluyan siyang bumagsak sa lupa na parang isang takas na balahibo mula sa isang naglalakbay na agila sa himpapawid.


Iyakan, tunog ng pagsabog at kalapag ng mga paa ng mga taong nagkukumahog para sa buhay sa gitna ng giyera ang nangibabaw sa aking pandinig. Mangiyak-ngiyak akong nagpalamon sa kakapalan ng kagubatan kasama ang mga taong katulad ko’y tumatakbo para sa kaligtasan.


Isa pa muling malakas na pagsabog ang nangibabaw.


Papalapit na.


Iilang hakbang. Iilang hakbang na lamang sana ay maaabot ko na ang dulong bahagi kung saan may malawak na talahiban at mistulang kagubatan, kung hindi lamang may pain na sumaklit sa aking mga paa. Hindi ko matanggal. Sinubukan kong muli, masyadong mahigpit ang pagkakakapit nito sa aking mga binti tila ba’y tinitiyak nito na wala na akong kawala.


Lumipas ang maraming oras, nagsisimulang maghari ang buwan sa kalangitan. Kumakalam na sikmura, nanginginig na katawan at natuyong bakas ng luha sa pisngi ang nagpaalala sa akin na ako’y tao pa sapagkat nakararamdam ng kasakitan. Pumikit ako. Nakita ko ang pagbagsak ni Ligaya sa aking pagbabalik-tanaw. Kung paano’ng tila mga tubig sa isang talon ang pagbagsak ng mga dugo mula sa kaniyang mga labi. Nilisan niya ako sa pag-aakalang mabibigyan ng panibagong pagkakataon upang mabuhay: magkaroon ng pagkakataon makabalik sa aking pamayanan, sa aking tahanan at hindi na muli itong lilisanin.


Ngunit nagkamali ang isang kaibigan. Hindi magtatapos ang paghihirap sa pagsasakripisyo ng kaniyang buhay, baka daan lamang ito upang mas mapaigting ang pag-iisa habang hinaharap ang papalapit kong kamatayan. Sa mga naisip, napagtanto kong isa akong makasaraling nilalang. Baka siguro ako nagdurusa nang ganito’y dahil hindi ako marunong magpasalamat. Namatay ang isang kasa-kasama sa trabaho na katulad kong ginustong makabalik sa pinagmulan, sa buhay bago kami naging bayarin ng isang tabernang pinamamalakad ng intsik. Ngunit sikapin ko mang mabuhay, kasama niya, isa lang din ako sa maraming tao na maililibing sa limot.


Napatingin ako nang may marinig na iyak. Isang batang umiiyak para sa kaniyang siguro’y nanay na nakahandusay sa sahig. Tanaw ko ang kalungkutan nito sa mukha kahit pa nasa liblib ng kagubatan. Mula rin sa aking kinaroroonan ay malaya kong nakikita ang kakapalan ng mga tao na umiiyak at umuugong para sa mga buhay ng nawala. Mayroong hindi makapaniwala, mayroong umiiyak, at mayroong nasa tabi. Humahalo ang amoy ng dugo at pawis sa hangin.


Malakas na hiyaw ang pumaibabaw, sumunod ay ang mukha ng mga banyaga ang aming natanaw. Lumikha ng ingay ang lahat, nagsimula ang habulan at putukan. Iniangat ko ang binti at umambang tatayo. Doon ko napagtanto na wala na talaga akong takas sa aking malagim na kapalaran. Habang nagkukumahog ang kumpol ng tao sa pagtakas, nanatili akong nagpupumiglas mula sa pagkakabitag ng aking mga paa, habang tumitindi ang pagpiglas ay dumadanak ang dugo mula sa mga sugat na nililikha ng aking paggalaw. Para itong kapalaran ko na kapag sinusubukang takasa’y may lumalalim ang nililikha nitong sugat.


III. Pangatlong putok sa loob ni Maria-- birheng puta.


“Mga hapon!” isang sigaw kasabay ng isang putok. Hindi pa man tuluyang nakabawi ay bumagsak na sa sahig ang isang hindi kilalang kababayan.


Hiyaw ang naging tugon ng marami. Nakita ko na lamang ang sarili ko, bitbit ng mga banyaga habang naghihiyawan sa gitna ng giyera. Nagsasalita ng hindi pamilyar na wika habang tila sinasamba ang katawan ko, sunod ay marahas na pinunit ang aking manipis na bestida. Itutuloy ang hindi naituloy ng hayop na lalaki sa taberna. Ngayon, paniguradong wala na kong takas sa malupit na kapalaran. Pinasok nang paulit-ulit ang aking pagkababae. Hindi lang isa, hindi lang dalawa... hindi sila mabilang. Hanggang sa nailabas na lahat ng makamundong pagnanasa na dapat ilabas, hanggang sa mahugutan na ng hininga. Hanggang ang sariling katawan na mismo ang sumuko. Dinapuan na ng liwanag ang kapaligiran. Tanda na maski ang naghaharing buwan ay hindi kami kayang iligtas sa trahedya.


Hinila ang gamit na gamit at hinang-hina kong katawan papunta sa isang maaraw na pwesto, habang nararamdaman ko ang magaspang na paghalik ng aking likod sa sahig ay tila isang malumbay na pelikula ang bawat paghagod ng aking mga mata sa kapaligiran: wasak at umuusok na mga gusali, mga bangkay at mga pinagmamalupitang kababayan. Wala akong magawa. Kami’y ibabandera kasama ng limang hindi kilalang bata. Kami raw ang magiging patunay na tuluyan nang gumuho ang ka-Maynilaan at sila’y nagtagumpay. Kelan pa naging kasiya-siyang pangyayari ang pagsalakay at pagpatay?


Hindi lamang ako ang kanilang nilapastangan, maski ang aking bayan.






Naging inspirasyon ng maikling kuwento ay ang pinta na may pamagat na Ravaged Manila na ipininta ni Dominador Castaneda.

57 views0 comments

Recent Posts

See All
bottom of page