top of page
  • Writer's picturenephi tangalin

Nakabibinging tunog ng Kampana: Pagbaybay sa Hinulog na kasaysayan ng Taktak


Ito ay kahingian sa asignaturang Malikhaing Pagsulat 198



Pamagat: Nakabibinging tunog ng Kampana: Pagbaybay sa Hinulog na kasaysayan ng Takta

Balangkas


  1. Introduksyon ng Hinulugang taktak

    1. Maikling deskripsyon sa papel--layunin, kahalagahan, at hamon ng papel



II. Layunin ng Pananaliksik


  1. Maitampok ang Hinulugang taktak bilang krusyal na anyong-tubig.

  2. Mausisa ang mga misteryo ng Hinulugang taktak, na makadaragdag sa pagpapatampok ng kasaysayan at panitikang oral na naka-angkla rito.

  3. Makapag-ambag sa usaping kasaysayan at kung kakayanin ay pati sa Panitikang Oral ng Antipolo.

  4. Makatulong hindi lamang sa turismo ng pook, kung hindi makapagbahagi ng malikhaing impormasyon upang mas mapreserba ang talon.


III. Metodo ng Pag-aaral


Sa aklat ni Menez na Exploration in Philippines folklore, binanggit ang krusyal na papel ng mga drayber (dyip) sa paghahatid ng kuwento o sa pagsasatuloy ng mga kaalamang-bayan o kuwento. Nais humingi ng panayam sa mga drayber na naghahatid ng mga turista o bumabyahe patungo sa Hinulugang taktak, tungkol sa kanilang bersyon ng pagkadiskubre at kasaysayan ng Hinulugang taktak.. Nais din kumolekta ng salaysay mula sa mga matatanda na nakatira malapit sa lugar, at mga tindera na matagal nang nagtitinda malapit doon.

Kakalap din ng impormasyon sa mga tour guide, barangay hall, at mananaliksik na nagtangka ng pag-aralan ang Hinulugang taktak. Malaking tulong din ang Lokal na Historyador.


Kakailanganing hanapin o kausapin ang mga sumusunod:


  1. Bienvenido M. Alarcon — lokal na historyador

  2. Empleyado mula sa Munisipyo

  3. Trabahador sa loob at labas ng Parke (sa Landscape na sektor)

  4. City Environment and Waste Management Office o CEWMO (cewmo.antipolo@gmail.com)

  5. City Librarian Solidad U. Fabian (nakakuha ako ng impormasyon mula kay Ms. Marlyn)

  6. Sam P. Vigil ng City Planning and Developmental Office City of Antipolo

  7. City Mayor Andrea ‘Andeng’ Ynares


IV. Kaugnay na Literatura


Pinaghalo-halong journal, sanaysay at artikulo ang nakalap:


  1. De Leon, J.D. (2016). Assessment of water quality and solid waste management in Hinulugang Taktak, Antipolo City. Quezon City : College of Engineering, University of the Philippines Diliman.


  1. Alip, E. (1967) Political and Cultural History of the Philippines. Illustration: Hinulugang -Taktak falls, Antipolo, Rizal. P.15. Manila: ALIP & SONS, INC.


  1. Paragas, R. (2015). Regenerating Hinulugang Taktak : a heritage reinterpretation of Antipolo. Quezon City : College of Architecture, University of the Philippines Diliman.


  1. Jajurie, N.C. (2017). Wastewater characterization and mapping of point sources of pollution of Hinulugang Taktak waterfalls. Quezon City : College of Engineering, University of the Philippines Diliman.


  1. Peña-Reyes, Ser Percival K. “Reversing the Tragedy of the Commons.” Ateneo De Manila University, Ateneo Eagle Watch, 10 Apr. 2017, ateneo.edu/ls/soss/economics/news/research/reversing-tragedy-commons.


  1. Aguilar, D. , Calinagan, M. & Mercado, M. . (2011). The Religious Tourism in Antipolo City from 1982 To 2008. Ani: Letran Calamba Research Report, 1(1). Retrieved from http://ejournals.ph/form/cite.php?id=187


Ang susunod na mga sekondaryang batis ang patungkol sa panimulang impormasyon at kaunting tala ng kasaysayan ng Hinulugang taktak--tungkol sa kagandahan ng talon, hanggang sa mga naka-angklang panitikang oral at awitin dito.


  1. Primer Media Inc. (2016, August 29). Hinulugang Taktak in Antipolo. Retrieved from https://primer.com.ph/travel/2016/08/29/hinulugang-taktak-2/

  2. Cinco, M. (2017, July 30). Culture, nature in Metro Manila's neighbor. Retrieved February 4, 2020, from https://newsinfo.inquirer.net/918709/culture-nature-in-metro-manilas-neighbor

  3. GMA News Online. (2008, March 11). Talon na ipinangalan sa kampana. Retrieved from https://www.gmanetwork.com/news/news/ulatfilipino/84372/talon-na-ipinangalan-sa-kampana/story/


Ang susunod na mga sekondaryang batis ang tungkol sa mga artikulo na naglalaman ng impormasyon ukol sa rehabilitasyon ng Hinulugang taktak.


  1. Hidalgo, Fe. “Hidalgo: Sights of Long Ago, Then and Now.” Sunstar, SunStar, 29 Sept. 2016, www.sunstar.com.ph/article/17163.


  1. F. (2020). RIZAL GOVT, DENR TO REHABILITATE HINULUGANG TAKTAK – The Manila Times. [online] The Manila Times. Available at: https://www.manilatimes.net/2014/01/16/news/regions/at-a-glance-regions/rizal-govt-denr-to-rehabilitate-hinulugang-taktak/68316/68316/



  1. Butuyan, J. R. (2016, December 26). The modern train system of our past. Retrieved from https://opinion.inquirer.net/100295/modern-train-system-past

    1. Impormasyon tungkol sa natitirang bakas ng ‘Antipolo line’ na naging transportasyon mula sa mga komunidad ng Santa Mesa hanggang sa Hinulugang taktak, Antipolo City, mula 1908 hanggang 1917.

  2. Nationalism and Cultural Revival in Southeast Asia. Edited by Sri Khunt-Saptodewo et al., 1997, books.google.com.ph/books?id=1qhUp_gfybEC.

    1. Pahapyaw na nabanggit na deboto ng Birhen ng Antipolo ang pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal at ang kaniyang ina. Madalas din ang pagsimba nila sa Katedral ng Antipolo.

  3. Abueg, E. R.. (1999). Kasaysayang Oral: Ang “Kapisanang Panitikan,” Ugat ng Makabagong Panitikan sa Tagalog. MALAY, 15(2). Retrieved from https://ejournals.ph/article.php?id=7838

    1. Papel ng alamat ang kuwentong-bayan sa Kulturang Oral ng Pilipinas. Ambag ng mga ito sa pagpreserba ng kutura’t paniniwala bago pa ang pagtapak ng mga Kastila sa bansa.

  4. History of Antipolo ng Lokal na Historyador ng Antipolo na si Bienvenido M. Alrcon na makikita sa lokal na library ng lugar. Digital na kopya lamang ang ibinigay sa akin ng librarian ng Library.

  5. Young, J. R.(n.d.) History of Our War with Spain. Mula sa: https://books.google.com.ph/books?id=slQlAQAAMAAJ&pg=PA805&dq=history+of+Antipolo&hl=en&sa=X&ved=0ahUKEwjamoyBuM3nAhWBHqYKHeGQAGgQ6AEILzAB#v=onepage&q&f=false

    1. Pahapyaw na binaggit na sa mga kabundukan ng Antipolo ay nahirapan ang mga sundalong kastila na hagilapin ang mga Antipoleno na sumama sa kilusan sa pag-aalsa laban sa Kastila.



V. Kahalagahan ng Pananaliksik


  1. Mabigyang importansiya at pagtatampok ang Hinulugang taktak bilang krusyal na anyong-tubig na may sariling kasaysayan, at mayabong ang panitikang oral.

  2. Panimulang ambag sa pananaliksik sa kasaysayan o kasaysayang nakadikit sa Hinulugang taktak.

  3. Nauugat sa kasaysayang may kinalaman sa siyudad ng Antipolo.





Anotasyon sa Malikhaing Pagsulat 198: Malikhaing Impormasyon


Assessment of water quality and solid waste management in Hinulugang Taktak, Antipolo City

De Leon, J.D. (2016). Assessment of water quality and solid waste management in Hinulugang Taktak, Antipolo City. Quezon City : College of Engineering, University of the Philippines Diliman.

Pag-aaral sa kuwalidad ng tubig at mga dumi ng basura sa Hinulugang taktak. Mahalaga rin ang paglalagay ng mga impormasyon mula sa ibang bagay katulad ng lagay ng daloy ng tubig at mga pag-aaral sa lagay ng paglilinis ng mga kalat sa loob ng taktak. Naging diin din ng pananaliksik ang mga polusyon na tubig na nanggagaling mula sa mga creeks, na naging sanhi ng pagbabago ng amoy ng tubig sa Taktak. Mahalagang isama ito bilang sekondaryang batis upang mas maunawaan ang siyensiya sa likod ng hinulugang taktak.


Political and Cultural History of the Philippines. Illustration: Hinulugang -Taktak falls, Antipolo, Rizal

Alip, E. (1967) Political and Cultural History of the Philippines. Illustration: Hinulugang -Taktak falls, Antipolo, Rizal. P.15. Manila: ALIP & SONS, INC.


Nakatala ang mga datos tungkol sa Pilipinas. Heograpiya, polikal, cultural at tungkol sa kapaligiran.Nakatala rin ang mga anyong-tubig sa Pilipinas, kabilang na ang Hinulugang Taktak. Nakapaloob din sa aklat ang impormasyon na madalas at paboritong pasyalan ng maraming Filipino mula Maynila at karatig-bayan ang Taktak. Ang ilustrasyon ay maaaring magamit sa gagawing proyekto.


Regenerating Hinulugang Taktak : a heritage reinterpretation of Antipolo

Paragas, R. (2015). Regenerating Hinulugang Taktak : a heritage reinterpretation of Antipolo. Quezon City : College of Architecture, University of the Philippines Diliman.


Nakapaloob sa aklat ang reinterpretation sa siyudad ng Antipolo, partikular sa Hinulugang Taktak. Nakapaloob din ang kaunting mga ilustrasyon at impormasyon tungkol sa mga pamanang naka-angkla sa Hinulugang taktak: isa na marahil sa pagpapatampok sa parke ay ang naka-angklang alamat dito. Ang alamat na naka-engrave na sa Parke noon pa man, Mainam na tulong sa introduksiyon at mainam ding gabay sa pagkalam pa ng mga impormasyon mula sa mga tao sa Hinulugang Taktak.


Wastewater characterization and mapping of point sources of pollution of Hinulugang Taktak waterfalls.

Jajurie, N.C. (2017). Wastewater characterization and mapping of point sources of pollution of Hinulugang Taktak waterfalls. Quezon City : College of Engineering, University of the Philippines Diliman.


Pag-aaral at pananaliksik sa mga puwersa sa pagkakaroon ng polusyon sa talong Hinulugang taktak. Katulad ng naunang pnanaliksik, gayun din ang naging pokus nito. Malaki ang naging papel ng biglaang pagsulpot at pagdami ng mga taong naninirahan malapit sa parke. Ang mga tubig sa creek ay bumababa at bumabagsak patungo sa tubig sa Hinulugang Taktak. Ang mga tubig sa creek ay naglalaman ng mga tubig mula sa mga kabahayanan na nakapaligid sa parke, ang mga tubig na iyon ay mula sa mga pinaglabahan, pinagliguan, at kung ano-ano pa. Nagdulot ang mga iyon ng pagpanghi at pangangamoy sa tubig na bumababa at bumabagsak sa talon. Ang mga nakasaad na impormasyon ay magagamit sa pagpapakilala sa Taktak at ugat kung bakit sumailalim sa rehabilitasyon ang Taktak nang mahabang panahon. Mainam na dagdag impormasyon upang mas maunawaan ang magiging daloy ng pananaliksik at malikhaing impormasyon.


Reversing the Tragedy of the Commons

Peña-Reyes, Ser Percival K. “Reversing the Tragedy of the Commons.” Ateneo De Manila University, Ateneo Eagle Watch, 10 Apr. 2017, ateneo.edu/ls/soss/economics/news/research/reversing-tragedy-commons.


Ang artikulo ay umiikot sa mga kasalukuyang problema at hamon ng Hinulugang taktak at ng mga taong nakapaligid sa talon. Ang mga iyon ay kawalan ng aksyon ng pribado at publikong mga aktor o sektor. Inihalimbawa niya ang kaslaukuyang sitwasyon ng rehabilitasyon ng Hinulugang Taktak sa ninanais ng kaniyang artikulo na maging tuon: mahalaga ang papel ng malasakit at pagboboluntaryo sa pagsasa-ayos at pagbabalik ng natural na ganda ng parke. Isinama ko ang artikulo upang maging gabay sa pagsusulat at maisama sa magiging tuon at inspirasyon ng pagsulat ng kasaysayan ng Hinulugang Taktak: paghikayat sa mga tao na protektahan ang talon bilang pagtugon sa responsibilidad bilang mamamayan at tagapangalaga ng kalikasan.


The Religious Tourism in Antipolo City from 1982 To 2008.

Aguilar, D. , Calinagan, M. & Mercado, M. . (2011). The Religious Tourism in Antipolo City from 1982 To 2008. Ani: Letran Calamba Research Report, 1(1). Retrieved from http://ejournals.ph/form/cite.php?id=187


Ang pananaliksik ay nakatuon sa pagsasadatos ng mga pagbabago sa turismo, imprastraktura, at programa sa Antipolo City at matukoy ang ugat ng mga pagbabagong ito. Gumamit ang mga mananaliksik ng talatanungan, at humingi ng panayam upang matukoy ang mga pagbabago mula taong 1982 hanggang 2008. Makatutulong ang pananaliksik sa pambungad na pagpapakilala sa Antipolo, bago ang Hinulugang taktak--na isa rin sa dinarayo ng mga turista rito. Nagkaroon ng malaking epekto sa pagbabago ng bilang ng mga turista ang sitwasyon ng mga sikat na imprastraktura, parke, at pasyalan. May ambag din sa datos ang populasyon, trabaho, kultura, piyesta, at pananampalataya o rehiyon ng Antipolo.


Ang susunod na mga sekondaryang batis ang patungkol sa panimulang impormasyon at kaunting tala ng kasaysayan ng Hinulugang taktak--tungkol sa kagandahan ng talon, hanggang sa mga naka-angklang panitikang oral at awitin dito.



Hindi na inisa-isa ang mga nakapaloob. May pagkakaparehas ang sekondayang batis: iyon ay ang pagpapakilala sa Hinulugang Taktak buhat sa naka-angklang alamat, awiting sinulat buhat dito: Tayo na sa Antipolo, pagbabago o pagkawala ng tubig ng Taktak, at ang rehabilitasyon. Umikot sa mga ganitong usapin ang mga batis na ito.


Ang susunod na mga sekondaryang batis ang tungkol sa mga artikulo na naglalaman ng impormasyon ukol sa rehabilitasyon ng Hinulugang taktak.


Hidalgo, Fe. “Hidalgo: Sights of Long Ago, Then and Now.” Sunstar, SunStar, 29 Sept. 2016, www.sunstar.com.ph/article/17163.


F. (2020). RIZAL GOVT, DENR TO REHABILITATE HINULUGANG TAKTAK – The Manila Times. [online] The Manila Times. Available at: https://www.manilatimes.net/2014/01/16/news/regions/at-a-glance-regions/rizal-govt-denr-to-rehabilitate-hinulugang-taktak/68316/68316/



The modern train system of our past.

Butuyan, J. R. (2016, December 26). The modern train system of our past. Retrieved from https://opinion.inquirer.net/100295/modern-train-system-past


Marahil dahil sa kakulangan ng mga aklat o babasahin ukol sa kasaysayan ng Antipolo, kaya hindi masyadong maingay ang isang katotohanan sa kasaysayan ng lugar: ang istasyon ng tren na noong 1908 hanggang 1917. Nakapaloob sa artikulo ang Impormasyon tungkol sa natitirang bakas ng ‘Antipolo line’ o rail road na naging transportasyon mula sa mga komunidad ng Santa Mesa, sa Maynila hanggang sa Hinulugang taktak, Antipolo City, mula 1908 hanggang 1917. Naging transportasyon ito ng mga deboto, manininda o mangangalakal at mga mamamayan. May kaunting bakas na lamang na natitira sa parke ng Hinulugang Taktak at nahanap ko iyon nang mabasa ang artikulong ito.


Nationalism and Cultural Revival in Southeast Asia.

Nationalism and Cultural Revival in Southeast Asia. Edited by Sri Khunt-Saptodewo et al., 1997, books.google.com.ph/books?id=1qhUp_gfybEC.

Nakasaad sa aklat (pahapyaw lamang sapagkat malawak ang sakop ng aklta at pinokus lamang sa impormasyon na may kinalaman sa pananaliksik) na isang deboto ng birhen ng Antipolo ang kinikilalang pambansang bayani na si Jose Rizal at ang ina nito.












Book Rebyu


**Dahil ang aking pag-aaral ay umiikot sa Kasaysayan, kultura, at panitikang oral (Ang Hinulugang Taktak ay ipinangalan sa isang pinaniniwalaang pangyayari noong ika-15 o 16 na siglo, at doon kinuha ang pangalan: Nahulog o Hinulog na Taktak o mas kilala rin sa terminong kampana), dalawa ang ang piniling rebyu o piniling maging mukha ng aking pananaliksik o tesis: ang akda ni Abueg na umikot sa kasaysayan ng Panitikang Oral at ang



Kasaysayang Oral: Ang “Kapisanang Panitikan,” Ugat ng Makabagong Panitikan sa Tagalog.

Abueg, E. R.. (1999). Kasaysayang Oral: Ang “Kapisanang Panitikan,” Ugat ng Makabagong Panitikan sa Tagalog. MALAY, 15(2). Retrieved from https://ejournals.ph/article.php?id=7838


Bagamat hindi direkta ang aking thesis sa susunod na pananaliksik na babanggitin, parehas naman itong naka-ugat sa panitikang oral—kung saan ang aking malikhaing impormasyon ukol sa Kasaysayan ng Hinulugang Taktak nakilala at napatampok.


Ang pag-aaral ni Efren Abueg na Kasaysayang Oral: Ang “Kapisanang Panitikan,” Ugat ng Makabagong Panitikan sa Tagalog na may layung ugatin ang kasaysayan ng panitikang oral. Layon din nito maunawaan ang ‘Kapisanang Panitikan’ sa tulong ng limang natitirang miyembro nito. Isinalaysay dito ang papel ng panitikang oral sa ating mga ninuno upang mas maihayag ang mga kaisipang ideya, kasanayan at karanasan sa lipunan. Isinulat ni Efren R. Abueg at nailimbag noong 1999.


Binalikan ng pag-aaral na ito ang kasaysayan ng Panitikang Oral ng Pilipinas, sinuyod ang mas malalim pang kaugnayan ng mga malalaking kasaysayan sa literaturang oral na naging resulta ng maraming pag-aaral at pagtatanto mula sa mga pinanggalingan ng mga impormasyon at pinagkunan ng karagdagang pagpapalawak sa pag-aaral nito. Malinaw ang layunin ng pag-aaral: iligtas sa pagkawala ang mga datos sa kasaysayan ng mga Kapisanang Panitikan. Nais din ilatag ng pag-aaral na ito na naging instrumento ang Kapisanang Panitikan sa mga susunod pang kilusang pampanitikan. Napili ang krusyal na pag-aaral na ito sa kadahilanang bagamat hindi pokus ng pananaliksik ang pag-aaral sa mga alamat na may kinalaman sa ispisipikong lugar, maaaring gamitin at makatulong ang mga datos mula sa pag-aaral ni Abueg sa Literaturang Oral ng Pilipinas bago pa ang konsepto ng eksplorasyon sa daigdig.


Sa pagpapalitaw ng mga paksain ukol sa malawakang pagbabago ng panitikang oral at paglaganap ng panitikang pasulat sa pagpadpad ng Kolonyang Kastila, hindi maiwawaksing matuklasan ang mga krusyal na impormasyon patungkol sa panitikan sa mahalagang panahong ito. Narito ang mga nakalap na impormasyon mula sa datos na inilatag ni Abueg sa kaniyang pag-aaral: mayroong sariling panulaan ang Pilipinas, nariyan ang mga awiting-bayan, epiko, ritwal, bugtong at salawikain. Ang mga lumitaw na panitikang oral ay nagiging istrumento upang matukoy ang pagbabago sa mga ito sa pagtapak ng mga kastila sa kalupaan ng Pilipinas. Mula sa mga awiting-bayan at mga ritwal, napalitan ito ng mga pagrorosaryo, dasal at pasyon. Pati ang mga paksaing may kinalaman sa kalikasan ng pamumuhay ng mga ninuno ay napalitan, nahaluan ng mga aral ang bawat lalamanin ng panitikan. Umusbong din ang mga panitikang may kinalaman sa baluktot na pamumuno ng mga prayle at marahas na pananakop ng Kastila sa Pilipinas sa kasagsagan ng pamumuno ng mga Amerikano.


Pumapaksa sa mga rebolusyon, pagkondena sa pamamalakad, at pagmamahal sa lupang tinubuan, nagdulot ito ng malawakang pag-asam ng kalayaan. Sa panahon ng Amerikano naman naitatag ang Aklatang Bayan upang kondenahin ang Ingles bilang wika sa sistemang pang-edukasyon; bagkus ay hinihiling na palitan ito ng Tagalog, isa si Lope K. Santos sa mga bumuo nito. Dahil sa impluwensiya ng kolonyang Kastila, maraming nailimbag na panitikan ang pumapaigting sa romantisismong paraan. Sa pananakop naman ng Amerikano, lumitaw ang mentalidad na mas mataas ang tingin sa mga manunulat na gumagamit ng wikang Ingles, na siyang nagpapababa ng pagtanaw sa mga manunulat ng Tagalog. Naging dahilan ang mga ito upang itatag ang Kapisanang Panitikan , isa si Alejandro G. Abadilla sa mga naging kasapi ng samahan.


Sa pag-aaral, binibigyang diin na ang panitikang oral ay matagal na pangkulturang tradisyon kaisa sa panitikang pasulat. Bagamat nasakop ang bansa nang mahabang panahon ng Kastila ay mayroon pa ring mga lumilitaw na nagpapatuloy ng tradisyong ito sa salinlahi sa mga kabundukan at kagubatan. Sa kasalukuyan ay hindi rin mabubura ang mayabong na tradisyong ito sa palengke, kasabihan ng mga drayber at iba pang manggagawa, at kantahang bayan ng manggagawang pang-agrikultural. Patuloy ang tradisyong oral na nanganganak sa salinlahi. Gagamitin ang mga datos at impormasyon mula sa pag-aaral ni Abueg upang patampukin ang mayamang panitikang oral na mayroon sa Pilipinas na nabura sa paglitaw ng Panitikang Pasulat na ipinakilala ng Kastila-- at ang pinaka-importante: patampukin ang pagpapakilala sa parke ng Hinulugang Taktak bilang krusyal na anyong-tubig na may naka-angklang alamat na napangalagaan henerasyon sa henerasyon.


Naging puwersa ang pagsasaliksik ni Abueg upang maging gabay sa pag-unawa sa sariling pananaliksik na gagawin sa usapin ng pagpepreserba ng kuwentong-bayan o mas kilala sa terminong kaalamang-bayan gamit ang krusyal na anyong-tubig, ang Hinulugang Taktak. Katulad ng kaniyang pagtataas sa lokal na kaalaman, gayun din ang pagtataas sa panitikang oral na nakapaloob sa aking pananaliksik.



History of Antipolo ni Bienvenido M. Alarcon (lokal na historyador ng Antipolo)


Ang kopya ay preserbado sa Library ng Antipolo.


Ang profile ay naglalaman ng nga impormasyon ukol sa Antipolo—kasaysayan, sikat o kilalang pasyalan at parke, populasyon, tradisyon, at iba pa. Isinulat ng lokal na Historyador na si Bienvenido M. Alarcon. Magandang simulaing pag-aralan at himay-himayin ang lalamanin nito. Sa paraang iyon, mas makikilala ang Antipolo, malalaman din ang pahapyaw na kasaysayan ng Cathedral Church at ng Hinulugang Taktak sa panahon ng Espansyon, pananakop ng Amerika, sa pamamalagi ng Hapon at hanggang sa kasalukuyan. Makulay ang impormasyon na ibinabahagi, bagamat mas pormal ito, kaakit-akit pa rin ang paraan ng pagsulat at ang mga ilustrado na nakapaloob dito: pinta at larawan ng Antipolo, Hinulugang Taktak, simbahan, pagkain, piyesta, mga pinta ng mga kilalang pintor sa lugar, sayaw, at maski ang mga creatures na matatagpuan sa lugar katulad ng mga ibon at tanim na roon lamang madalas makikita.


Sa paghihimay sa profile o pagpapakilala sa Antipolo, sinimulan ito sa paglalatag ng nga impormasyon ukol sa lugar. Ang Antipolo ay ipinangalan mula sa puno na masaganang tumutubo sa lugar mga unang panahon, kilala sa tawag na tipulo o Artocarpus Incisa. Nakatala sa profile na ang mga dokumento at kasaysayan ng Antipolo ay isinulat ng mga Pransiskanong misyonaryo sa lugar, at naitala ang unang pagsasadokumento ng kasaysayan ng lugar noong 1578 sa pagdating ng mga ito upang ikalat ang kristyanismo sa mga katutubo, karamihan sa mga ito ay mga Dumagat. May mga tala rin na ang katawagan sa mga katutubong ito ay Tagal, Indiano at Itim (o aeta).


Nadiskubre ng mga misyonaryo ang kasagahan ng lugar. Natatakpan ng Birhen na kagubatan ng Antipolo ang marami nitong lokal at sari-saring puno at yamang-gubat, marami ring anyong-tubig sa lugar, katulad ng batis. Pinakasikat ay ang Hinulugang Taktak.


Nang pumatak ang ika-16 na siglo, lumobo sa halos tatlong libo ang naging katoliko sa lugar, sa kadahilanang ito napilitan ang mga katutubo na lumipat sa mas matatayog na parte ng kabundukan. Ang birhen na mula sa Acapulco, Mexico ay idinala sa bansa ng Gobernador na si Juan Nino de Tabora noong ika-25 ng Marso, taong 1626 at bago ito pumanaw, binilin na ilipat sa Katedral ng Antipolo ang imahe ng Hesus. Kilala ang imaheng ito na madalas ang pagkawala nito at lagi’t laging natatagpuan sa puno ng Tipolo. Noong 1639 ay nagsimula ang pag-aalsa ng mga tsino sa napakalaking buwis na ipinapataw, nagbunga ito nang malawakang pagsunod sa simbahan. Himalang hindi nadapyasan ang imahe. Inilipat ang imahen sa Sitio Ginapao at dinala sa Cavite sa utos ng Gobernador Heneral. Nanatili ang imahen sa Cavite sa loob ng labing-apat na taon. Sampung taon matapos ang insidente ay pinalitan ang pangalan ng imahen sa Virgin of Peace and good voyage. Ibinalik sa Mexico nang ilang ulit bago permanenteng inilagay sa Antipolo.


Taong 1640 nang opisyal na naging ‘bayan’ ang Antipolo. Noong pagtapak ng ika-18 siglo ay nagsimula na ang pagkagising ng maraming Filipino sa mga Kastila. Nang sumiklab ang rebolusyon laban sa Kastila, maraming Antipolenos ang sumanib at naki-isa. May mga tala na nakadaupan ng mga ito ang mga Kastila sa bundok ng Makatubong. Si Juan Sumulong ang naging sekretarya ng pag-aaklas na ito sa lugar. Unang naging alkalde ng lugar si Valentin Sumulong.


Nakatala sa dokumeto at pag-aaral na noong 1903, sa ilalim ng blg. 1942 ay sentro ng gobyerno.


Ika-27 ng Marso taong 1903, sa Philippine Commision ratified blg. 703 na nagpapahintulot sa Manila Railroad na kompanya upang magsagawa ng railway sa Antipolo. Tagumpay na nagawa ang railway noong 1906 na dumaan mula Pasig hanggang Taytay-Cainta. Hamaka o hammocks ang nagbuhat sa mga deboto mula sa dulo ng railway patungo sa Antipolo. Opisyal na nakarating sa Antipolo ang railway noong Disyembre 24, 1908.


Matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, nagsimula ang mga Antipoleno na isaayos ang kanilang mga tirahan. Ipinapakita sa pananaliksik ang hirap at dagok ng mga mamamayan noon sa pagsasabalik ng kanilang tirahan, kultura, tradisyon, hanap-buhay, kalakal at iba pa. Nakasaad din na sa ilalim ng proklamasyon blg. 330 ng presidente noong ika-15 ng Hunyo taong 1952 ay itinalagang ‘National Park’ ang Hinulugang Taktak.


Ang mga impormasyon sa pananaliksik ay may kasamang ilustrasyon. Kawili-wili upang mas malaman ang kasaysayan ng Antipolo at pagpapakilala sa Hinulugang Taktak bilang importanteng anyong-tubig sa lugar sa kabila ng giyera’t masalimuot na pangyayari at nanatiling nakatindig at pinoprotektahan ng mga kuwentong-bayan at alamat.


Naging inspirasyon ang profile na ito sa magiging proyekto, sapagkat kawili-wili ang pagkuwkento’t paglalarawan sa lugar. Busog sa impormasyon at tila dinadala sa naging kaganapan ng lugar at Taktak sa ilalim ng rehimeng Kastila, Amerika, Hapon at sa kasalukuyan.












Nakabibinging tunog ng Kampana:

Pagbaybay sa Hinulog na Kasaysayan ng Taktak, sa Antipolo


Introduksyon


“Noong unang umapak ang mga paa ko rito noong 1960, buhay na ang kuwento-kuwento ukol sa hinulog na kampana. Mapasahanggang ngayon ay hindi pa rin ito naiaahon mula sa tubig.” Iyan ang litanya ng pinakamatandang trabahador ng parke nang minsang bumisita ako at nakipagkuwentuhan sa kanila.

Maituturing na sikat na pasyalan ang parke ng Hinulugang taktak para sa mga Tito’s and Tita’s of Manila. Kung tatanungin mo sila kung ano ang paboritong pasyalan nila noon, tiyak na kasama ang Hinulugang taktak sa listahan. Magandang malaman ang nakaraan at kasalukuyan ng parkeng ito nang mas magkaroon ng mas malalim na pagtanaw at paghanga rito.


Sa Probinsya ng Rizal, sa lungsod ng Antipolo matatagpuan ang Hinulugang Taktak na kinilala bilang pangalawang tampok na pasyalan sa Pilipinas noong 2003 at 2004 na umabot sa halos anim na milyong turista kada taon. Bukod pa rito, naging tampok din sa Antipolo ang Katedral na itinayo pa noong kasagsagan ng pananakop ng mga Espanyol, na naging daan sa pagbansag sa Antipolo bilang ‘Religous City’. Mapakikinggan sa awiting-bayan ng Antipolo ang mga katagang, “Tayo na sa Antipolo' 'at doo'y maligo tayo' 'sa batis na kung tawagin' 'ay Hi-hi-hinulugang Taktak' 'at doo'y kumain' 'ng mangga' 'kasuy at balimbing' na komposisyon ni German San Jose noong 1929.


Sa mahabang panahon ng pananakop ng Espanyol sa Pilipinas, labis nitong naapektuhan ang ekonomokal, politikal, sosyal, at relihiyon ng bansa. Dumating ang mga Pransiskano sa Antipolo noong 1578 at kasabay nito ang pagdami rin ng mga kristiyano sa lugar. Kaugnay nito, kilala ang Hinulugang taktak sa naka-angkla nitong alamat. Pinaniniwalaan na noong ika-15 o 16 na siglo ay may kampana o taktak (bell) na naglilikha ng nakabibinging tunog na nagdulot ng matinding gambala sa mga taganayon, pinilit nila ang lokal na pari na ihulog ang kampana (o taktak) sa talon. Marami ang naniwala at patuloy na naniniwala sa alamat, hanggang sa ipinangalanan ang anyong-tubig sa Hinulugang taktak, tanda ng alamat na kumalat sa lugar. Naipasa ang alamat, henerasyon sa henerasyon. Nang balikan ko ang lugar, nagsiyasat, at nagtanong-tanong, gayun pa rin ang paniniwala na ang kampana ay hindi pa rin nakikita o naibalik. Sinasabing nasa kailaliman pa rin ito ng tubig.

Sa mga susunod na lalamanin, patatampukin ang mas malawak na kasaysayan ng Hinulugang Taktak. Susuyurin ang misteryo at hiwaga, panitikang oral, at mga hibla ng kasaysayan na natira sa loob ng kinalalagyang lugar ng anyong-tubig. Halina’t baybayin ang Hinulugang Taktak lagpas sa alamat na naka-angkla rito.



Ikalawang kabanata: Lokasyong Heograpikal at kaunting tala ng Kasaysayan ng Antipolo

Ang Hinulugang Taktak ay matatagpuan sa lungsod ng Antipolo, sa lalawigan ng Rizal, kung saan ang lalawigan ay ipinangalan bilang pagkilala sa bayaning si Dr. Jose Rizal, may ilang milya lamang ang layo mula sa Maynila. Ang Antipolo ay napalilibutan ng kabundukan ng Sierra Madre at iba pang kabundukan. Dahil sa mahabang yugto ng kolonyalismo ng Espanyol, at sa kanilang pagpapalaganap ng Kristyanismo sa bansa, hindi na nakapagtatakang lubos nitong naapektuhan ang usaping paniniwala at relihiyon ng bansa. Tumapak sa kapatagan ng Antipolo ang mga misyonaryong Pransiskano noong ikalabinganim na siglo (ika-16 na siglo) at mula noon ay dumami ang bilang ng mga deboto’t kristyano sa lugar. Ang imahen ng birhen ng Antipolo ay tagumpay na nailagay sa lugar noong 1626, ngunit natigil ang pagpapadala ng mga imahen sa Antipolo nang makuha ng Rekoletos ang posisyon ng pamamahala sa lungsod sa kalagitnaan ng ikalabingwalong siglo (ika-18 na siglo) [1].

Sa yugto naman ng pananakop ng Amerika, sa kali-kaliwang giyera laban pa rin sa mga nanatiling kawal ng espanyol sa bansa at sa paglusob ng mga militar ng Amerika, inasahan ang matinding pakikidigma’t paglaban sa kabundukan ng Antipolo ngunit hindi kinaya ng mga militar akyatin ang kabundukan nito, kung saan nakatala sa aklat ni Young na History of Our War with Spain na, “...which the Spaniards had said the American could never capture” [2]. Isa itong halimbawa ng mga tala tungkol at/o nagpapakilala sa heograpiya ng Antipolo.


Sa pagputok ng ikalawang digmaang pandaigdig, nagambala ang mga tao sa lungsod, hindi lamang sa tunog mula sa umuusbong na giyera, bagkus pati ang kanilang pananampalataya, nang maapektuhan pati ang estruktura ng simbahan. Nang matapos ang ikalawang digmaan, mas dumami ang bilang ng mga deboto sa lungsod, pinanghahawakan ang pananampalataya sa birhen sa Katedral ng Antipolo. Ang birhen ng Antipolo ay kilala rin sa bansag na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay.

Maituturing na pinakamalaki ang lungsod ng Antipolo sa usaping populasyon sa rehiyon ng CALABARZON. Nahahati sa labing anim na barangay ang Antipolo. Ito ang mga sumusunod: Bagong Nayon, Beverly Hills, Calawis, Cupang, Dalig, Dela Paz , Inarawan, Mambugan, Mayamot, Muntindilaw, San Isidro, San Jose, San Juan, San Luis, San Roque, at Santa Cruz. Sa tala ng Departament of Finance kinonsiderang ‘First Class City’ ang Antipolo, at ‘Most Competitive City’ sa Pilipinas noong nakaraang taon lamang, 2019.

Sa kasalukuyan, ang Katedral ng Antipolo, Pinto Art Museum, at Hinulugang taktak ang tatlo sa mga kilalang pasyalan sa lungsod.


Pagbaybay sa mga lokal at banyagang tala at batis tungkol sa Hinulugang Taktak


Sa mahabang yugto ng pananakop ng mga banyaga, partikular ng rehimeng Espanyol, lumalatay sa bansa ang iniwan nitong bakas sa sosyal, politikal, ekonomikal, at kultural na aspekto. Hindi rin nakaligtas sa malawakang pagbabagong ito ang lungsod ng Antipolo. Nababakasan ang bakas ng Kristiyanismo hindi lamang sa mga simbahan, bagkus ay pati sa mga naipasang kaalamang bayan, henerasyon sa henerasyon. Ang Hinulugang Taktak, bukod sa minsang naging paboritong pasyalan bago ang pagputok ng ikalabingsiyam na siglo hanggang sa kalagitnaan ng siglong ito, mas nakilala ito sa awitin na Tayo na sa Antipolo na komposisyon ni German San Jose noong 1929. May naka-angkla ring alamat tungkol sa pagpapangalan ng talon. Pinaniniwalaan na noong ika-15 o 16 na siglo ay may kampana o taktak (bell) na naglilikha ng nakabibinging tunog na nagdulot ng matinding gambala sa mga taganayon, pinilit nila ang lokal na pari na ihulog ang kampana (o taktak) sa talon. Marami ang naniwala at patuloy na naniniwala sa alamat, hanggang sa ipinangalanan ang anyong-tubig sa Hinulugang taktak, tanda ng alamat na kumalat sa lugar. Naipasa ang alamat, henerasyon sa henerasyon [3].


Taong 1952 nang ideklara ng dating presidente Elpidio Qurino ang Hinulugang Taktak bilang ‘recreation area’. Sa pagputok noong taong 1990, idineklara na ito bilang National Park. Nakapaloob din sa parke ang bakas ng istasyon umusad mula taong 1908 hanggang 1917 sa Hinulugang taktak [4].

Lumipas ang halos isang dekada, taong 2003 at 2004, kinilala bilang pangalawang sikat na pasyalan ang Hinulugang Taktak sa Pilipinas na may halos anim na milyong turista kada taon. Dinadagsa ito ng mga tao, partikular sa okasyon katulad ng Mahal na Araw at bakasyon. Naging malawakang pwersa sa pagiging popular ng talon ay ang pagdagsa rin ng mga deboto, partikular sa buwan ng Mayo [5]. Noong 1960, nagsimula nang magkaroon ng polusyon sa tubig at mamaho ang mismong talon dahil sa pagtira ng mga dahil sa mga basurang nagkalat at bumara sa paligid ng parke [6]. Nagdulot din ng kapabayaan ng Lungsod sa pagprotekta at pagpreserba ng talon. Hanggang sa panandaliang sinara at isinailalam sa rehabilitasyon ang Hinulugang taktak at binuksan matapos ang ilang taong paglilinis at pagsasaayos sa ilalim ng pamumuno ng City Government at DENR (Department of National Defense).


Sa kabila ng rehabilitasyon, hindi pa rin tuluyang naibabalik ang dating sigla at ganda ng talon bago pa ito dagsain ng sangkatutak na turista [7]. Ngayong taon, 2020, ay nagtatangka ang pamunuan ng lungsod ng Antipolo na ibalik ang dating sigla ng Hinulugang taktak sa pamamagitan ng paglalagay ng mga atraksiyon sa mga turista katulad ng Spider web, hanging bridges, at wall climbing.

Sa mga turistang magnanais na baybayin ang malawak na kasaysayan at usisain ang mga alamat na nakapaloob dito, o hindi kaya ay pasyalan ang parke ay kailangang magbayad sa murang halaga lamang. ₱30 para sa mga matatanda, at ₱15 para sa mga estudyante, at sa mga Senior Citizens, P[S]WD at mga batang may edad pito (7) pababa ay libre, at ₱100 naman sa mga banyaga.










Pagsusuyod sa Hinulugang Taktak matapos ang rehabilitasyon: Ano ang dapat abangan? (Patikim)


Kapag susuyurin mo ang kasaysayan ng Hinulugang Taktak, o hindi kaya ay gusto mo lamang guminhawa ang iyong pakiramdam at mamasyal dito, mainam na malaman ang mga pagbabago at karagdagan sa lugar upang mas maging banayad ang iyong paghahanap, sa kasaysayan man nito o sa internal na paghagilap ng kaluwalhatian.


Sa iyong pagpasok, matatanaw mo ang malaking tarpaulin sa bungad pa lamang ng pasyalan. ₱30 para sa mga matatanda, at ₱15 para sa mga estudyante, at sa mga Senior Citizens, P[S]WD (na maaaring sumakaya gamit ang elevator pababa) at mga batang may edad pito (7) pababa ay libre, at ₱100 naman sa mga banyaga. May mga pagbabago naman sa kalooban nito, mas naging malinis at organisado. Sa iyong paglalakad mula sa bungad, makikita mo ang mga tila hindi natapos at naabanduna at sementadong anggulo sa gilid, mayroong nakamarkang ‘Old Railway Station’. Ito ang isa sa mga sinaunang istasyon ng tren na bumabyhe mula sa ilang parte ng Ka-Maynilaan hanggang sa Hinulugang Taktak, sa Antipolo. Nang mahingan ng panamayam ang isa sa pinakamatandang trabahador ng pasyalan, sinabi niyang binabalak itong linisin ngunit pinagpapasiyahang itira ang natitirang bakas ng lumang istasyon ng treyn na tumulong sa maraming Pilipino na makapagbyahe at makipagkalakalan sa yugto ng taong 1908 hanggang 1917. Sa iyong pagbaba pa, masisilayan mo sa kalakhan ang tindig ng tinatayong wall climb.


Mamamangha’t kikilabutan ka rin sa umuugang Spider Web, na makapigil hininga. Ngunit, kapag nasa gitnang bahagi, mas tanaw ang kataasan ng Hinulugang Taktak. Nang sumailalim sa rehabilitasyon ang Taktak, nagsimula na rin mamahinga ang iilang migratory birds—hindi man katulad sa dating bilang ang mga nagtutungo rito na iba’t ibang klase ng mga ibon, may ganap namang pagbabago, sapagkat mayroon nang tumutungong ibon sa Taktak. Mabalik tayo sa kataasang bahagi ng Taktak, sa bahaging ito rin matatanaw mo ang mga ibong panandaliang namamahinga at naglalakbay sa kalakhan ng talon. Maaari mong kuhaan ng larawan. Habang gusto mo naman maglakad-lakad matapos ang makapigil hiningang magdapo sa Spider Web, puwede kang maglakad-lakad sa Hanging Bridge. Tiyak na masaya ito kapag may kasama.


Naglaan din ng puwang ang namamahala upang magkaroon ng Meditation Area. Hindi masamang magpahinga pagkatapos ng nakapapagod na pagsubok mula sa mga panibagong atrasksiyon at pakulo na ito. Maaari ring magmuni-muni kung gugustuhin.



[1] Kuhnt-Saptodewo, Grabowsky, & Grossheim. (1997). Nationalism and Cultural Revival in Southeast Asia. Mula sa: https://books.google.com.ph/books?id=1qhUp_gfybEC&printsec=frontcover#v=onepage&q&f=false


[3] GMA News Online. (2008, March 11). Talon na ipinangalan sa kampana. Mula sa: https://www.gmanetwork.com/news/news/ulatfilipino/84372/talon-na-ipinangalan-sa-kampana/story/


[4] Butuyan, J. R. (2016, December 26). The modern train system of our past. Retrieved from https://opinion.inquirer.net/100295/modern-train-system-past


[5] Cinco, M. (2017, July 30). Culture, nature in Metro Manila's neighbor. Retrieved February 4, 2020, mula sa: https://newsinfo.inquirer.net/918709/culture-nature-in-metro-manilas-neighbor


[6] De Leon, J.D. (2016). Assessment of water quality and solid waste management in Hinulugang Taktak, Antipolo City. Quezon City : College of Engineering, University of the Philippines Diliman.


[7] Peña-Reyes, Ser Percival K. “Reversing the Tragedy of the Commons.” Ateneo De Manila University, Ateneo Eagle Watch, 10 Apr. 2017, ateneo.edu/ls/soss/economics/news/research/reversing-tragedy-commons.




294 views0 comments

Recent Posts

See All

walang pamagat dahil isang dakilang tamad ang manunulat

tw// sexual assault Ngayong gabi, binulong mo sa ulan na magsusulat ka. Nagtimpla ka ng inumin. Sinuot mo ang paborito mong sweater. Naglalakad ang iyung mga daliri sa mesa. Kinuha mo ang gel pen. Isi

bottom of page