top of page
  • Writer's picturenephi tangalin

Pagod na akong magbasa't sumulat

Hindi ko na tanda kung kailan ako huling nagbasa ng aklat na hindi kinakailangan sa klase. Hindi ko na matagpuan 'yung madalas kong nararamdaman kapag hinahagod ko ang bawat pahina, o kaya'y sandaliang isasara ang aklat pagkatapos ng nakakapagod na kabanata, pagkatapos ay hahanap ng tiyempo para basahin naman ang susunod pang kabanata. Wala na rin akong maramdamang kasiyahan, samantalang gustong-gusto ko ang pagbabasa. Nakakapagod din pala minsan. Ang hirap nitong aminin, sobra. Kani-kanina lang, nagtataka ako kung bakit kung kailan patapos na ang semestre kinabukasan, s'yaka lamang ako naghihimutok na wala na akong makapang kasiyahan sa pagbabasa. Marahil matagal kong hindi pinansin ang ganitong pagbabago, dahil marahil ay ayaw kong huminto sa pagbabasa ng sangkatutak na journal at artikulo dahil may hinahabol akong oras. Dahil may pasahan ng 12 ng madaling araw. O hindi kaya ay ayaw kong tanggapin na may nagbago nga sa akin sa loob ng semestre. Noon, madalang akong mapagod sa pagbabasa't pagsusulat--lagi akong may bitbit na ekstrang enerhiya sa tuwing dinadapuan ng antok sa gitna ng pamamalagi ng buwan sa kalangitan. Lagi't lagi. Ngunit, iba nitong mga nakaraang linggo. Nararamdaman ko ang kapaguran sa pagsulat lamang ng limang daang mga salita. Para bang hinigop na nito ang enerhiya ko hanggang sa susunod na araw. Mga panahong iyon, iniisip kong salarin ang matagal na paghahari ng araw sa kalangitan, pabago-bagong klima, kumpul-kumpol na papel o hindi kaya ay pananabik sa luto at yakap ni Mama, sa aking kapaguran. Ngunit, hindi pala. Marahil ay may papel ang mga iyon pero hindi sila ang salarin. Napagod akong magbasa't sumulat dahil pagod na talaga ako. Wala na ang dating sigla. Inubos ng semestreng ito ang enerhiya, motibasyon at kaligayahan ko. Inubos ako ng semestreng ito. Hindi ko alam kung paano magsimula muli... baka matagal-tagal pa.


12.12.19, 10:10 PM

43 views0 comments

Recent Posts

See All
bottom of page